Ang Kagalakan at Kagandahang-loob ng Diyos
Hindi lang tinawag ni Jesus si Mateo, kundi nagtungo pa siya sa bahay ng huli upang saluhan ito sa pagkain at ang iba pang mga tagasingil ng buwis at mga itinuturing na makasalanan (Mt 9:9-10). Ang pagtawag ni Jesus kay Mateo ay pagpapadama ng pagmamahal at kagandahang-loob ng Diyos. Ang paglapit naman kay Jesus ng mga makasalanan at iba pang mga itinatakwil ng lipunan ay nagdudulot ng kagalakan sa Diyos. Ito ang simula ng isang tunay na Mabuting Balita: ang pagsasalo ng Diyos (sa katauhan ni Jesus) at ng mga makasalanan sa iisang hapag. Ito rin ang kaganapan ng kagalagakan ng Diyos: ang paglapit sa kanya ng sangkatauhang nauuhaw sa pagmamahal at nangangailangan ng kaligtasan. Naparito si Jesus hindi upang tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan (Mt 9:13).
Ngunit hindi ito maunawaan ng mga Pariseo dahil hindi rin nila nauunawaan ang tunay na kahulugan ng pagmamahal at kagandahang loob ng Diyos. Kaya nga idinagdag pa ni Jesus sa ebanghelyo ang pagpapahayag ng Diyos sa Matandang Tipan sa pamamagitan ni Oseas: “Pagkat pag-ibig ang nais ko, hindi sakripisyo; pagkilala sa Diyos, hindi sinunog na handog” (Mt 9:13 / Os 6:6), upang buksan ang kanilang puso’t isipan sa mapagmahal na pagmamalasakit ng Diyos sa bawat tao. Wala ngang hinahangad ang Diyos kundi ang magkaroon ng kalayaan, kaganapan at tunay na kaligayahan ang bawat nilalang sa
Ang Kagalakan at Kagandahang-loob ng Diyos
pamamagitan ng pagtanggap nila sa tipan ng pag-ibig na iniaalok niya sa lahat at sa bawat isa.
Hindi pinagtuunan ng pansin ni Jesus ang nakaraan ni Mateo—tumagos sa puso ni Mateo ang kanyang masuyong paningin kung saan nakita niya ang likas na kagandahang-loob ng publikano at ang pagbabagong-buhay nito sa hinaharap. Inaanyayahan niya ang tagasingil ng buwis na sumunod
sa kanya. Nadama ni Mateo ang mapagpalayang tiwala at pagmamahal sa kanya ni Jesus at hindi siya nagdalawang-isip na sumunod sa Panginoon. Agad niyang tinalikuran ang kanyang nakaraan upang yakapin ang katiyakan ng kinabukasan sa piling ng maawain at mapagpalang Diyos. Buong kagalakan niyang ibinalita at ibinahagi sa kapwa niya maniningil ng buwis at mga makasalanan ang Mabuting Balita ng kaligtasan.
Kaugnay ng ebanghelyo ay isang kwento na hinango sa pahayag ni Propeta Mikas… Isang makasalanan ang malungkot na nagpahayag ng kanyang damdamin sa Poong Maykapal: “Hay naku, maniniwala ka ba, Panginoon? Lumihis na naman ako at nadapa sa aking paglalakbay. Lahat ng mga kasalanan ko noong nakaraang Linggo ay naulit ko na naman at mas malala pa nga yata. Akala mo ba’y natuto na ako? Hindi! Hindi ko natupad ang pangako ko, at patuloy at paulit-ulit kong nilalabag ang mga habilin mo. Paano ako makararating?”
Sumagot ang Panginoon: “Magaling, anak ko. Ang pagdadalamhati
mo ngayon ang kailangan ko. Alam mo bang binigyan mo ako ngayon ng ganap na kagalakan dahil patuloy kang bumabalik sa akin kahit na ilang ulit kang malihis ng daan at madapa? Hala, bumangon kang muli at ipagpatuloy ang iyong paglalakbay! Huwag kang mag-alala at makararating ka rin. Naririto lang ako…
Nagsalita ang makasalanan sa kanyang sarili: “Aha! Alam ko na kung paano ko mabibigyan ng kagalakan ang Poong Maykapal!
Mga kaaway ko, huwag ninyo akong pagtawanan dahil sa nangyari sa akin! Kung ako ma’y nadapa, muli akong babangon. Kung ako ma’y nasa kadiliman, ngayon tatanglawan ako ni Yahweh. Titiisin ko ang galit ni Yahweh sapagkat nagkasala ako sa kanya. Magtitiis ako hanggang sa ipagtanggol niya ako at bigyan ng katarungan. Dadalhin niya ako sa liwanag at makikita ng aking kaaway, at mapapahiya ang nagsabi sa akin, “Nasaan si Yahweh na iyong Diyos?” (Mikas 7:8-9).
— Mary Anthony E. Basa, PDDM
No comments:
Post a Comment